Ang mga kalaban ko

http://www.abante-tonite.com/issue/oct1409/opinions_kaya.htm

Kamakailan ay lumabas sa pahayagan na sa aming lalawigan ng Isabela ay magsasanib ang dalawang malaking pamilyang Dy at Albano para labanan ako sa pagka-gobernador sa 2010.
Lagi tuloy akong tinatanong tungkol dito at lagi ko namang sagot: wala naman pong bago riyan. Mula pa noong ipinanganak ako ay magkakampi na sa pulitika ang dalawa. Nagtagal sila kapwa sa kapangyarihan na sila ang magkasama. Totoo, binalak nilang hatiin noon ang Isabela para ang Isabela del Sur ay para sa mga Dy at ang Isabela del Norte ay para sa mga Albano pero kaming mga mamamayan ay bumoto ng malakas na “no” noong nagkaroon ng plebisito. Bilang broadcaster noon, isa ako sa mga gumawa ng paraan para maliwanagan ang aming mga mamamayan sa mga isyu.
Tingnan mo nga naman, iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakaramdam ng talo ang mga Dy at Albano. Sumunod na noong tinalo ko sila nang ako ang ibotong gobernador ng aking mga kababayan noong 2004.
Nagkaroon lang ng hidwaan ang dalawa nitong huling eleksyon ng 2007 at dahil dito, kahit hindi ko hiniling, kusang nakilinya sa akin ang grupong Albano. Ngayon at malapit na ang eleksyon, ina-announce nila na magkasama na naman sila. Para sa akin, hindi kakaiba ito. Siyempre, mas nagtatagal ang samahan ng magkakapareho ang ugali at paniniwala.
Gayunpaman, hindi ibig sabihin na walang daan ang mga matino at kahit na maka-Kristiyanong pag-uusap sa aming mga pagitan. Noon lamang nagdaang Huwebes, nagulat ang marami sa aming kapitolyo noong biglang dumating sa aking “Ugnayang Bayan” o People’s Day si Bill Dy, kapatid na buo ng aking unang tinalong gobernador, Faustino Dy Jr. Napapa­balitang tatakbo si Bill sa pagka-mayor ng kaisa-isang lungsod ng Isabela, ang Cauayan City. Makakalaban daw niya mismo para pumalit sa last-termer nilang kapatid na si Cesar Dy ang kanyang half-brother na si Victor Dy, kapatid na buo naman ng aking pangalawang tinalong gobernador, Benjamin Dy. Para sa marami sa mga dating tauhan ng mga Dy, kakaiba ang nakita nilang maayos at nagbibiruang pag-uusap namin ni Bill. Ngayon na lang siya muli pumunta sa kapitolyo na sa loob ng maraming panahon, ang pamilya nila ang pinuno at hindi ako. Nagkuwentuhan kami. May sulat siya sa akin para sa patronal fiesta namin sa Cauayan. Bilang pagkilala sa kanyang pakiki­pagkaibigan at pagpapakumbaba, ang laki ng ibinigay ko. Nagpalakpakan sa tuwa ang kanyang mga kasama.
Noong kami na lang dalawa ang nag-uusap, sabi ko sa kanya, “Malapit na naman ang eleksyon. Kung ano-ano na naman ang lalabas na isyu at masasakit na salita. Basta, kahit anong mangyari, nagkausap na tayo nang ganito, ha?”
Oo, sabi niya, at nag-share pa siya sa akin ng mga pinagdadaanan niyang proseso para sa pagbuo niya ng desisyon na labanan sa halalan ang kanyang sariling kapatid. Nakinig lang ako. Sa eleksyon ko na sasabihin ang masasabi ko tungkol sa mga dynasty.
Minsan din, nasa loob ako ng sasakyan, ma-traffic, biglang sumagi sa alaala ko noong minsang niyaya akong mag-lunch sa Maynila ni Cong. Rodito Albano at ng kanyang yumao na ngayong pamangkin, Mayor Jojo Albano ng aming capital town ng Ilagan. Doon ko nalaman kung gaano dinamdam ng kanilang pamilya ang biglang pagkamatay ng ina ng pamil­ya, Mrs. Gofing Albano.
Minsan-minsan lang kung nangingibabaw ang pagkakaibigan kaysa sa pagkainis sa pagitan ng mga nagtutungga­ling pulitiko kaya bago mawala ‘yung feeling kong ganoon, kinuha ko ang cellphone ko at nag-text ako kay Congressman Rodito. Ang naaalala kong sinabi ko, “Hi Cong. bigla kong naalala noong magkasama tayo sa Maynila. Kahit anong mangyari na naman sa eleksyon basta minsan, nagkaroon tayo ng chance na ganoon na magkwentuhan, ha?”
Sa sumunod niyang birthday, inimbitahan niya ako. Nakita ko tuloy nang personal si Martin Nievera.
Ang mga kalaban ko — kahit paano, kahit sandaling-sandali, nagiging kaibigan din.
***
e-mail: gracempadaca@yahoo.com text: 0919-353-3222
gov grace radio sa www.897hotfm.com, Martes, Huwebes, Sabado, 6 a.m. at 5 p.m.

2 Responses to “Ang mga kalaban ko”

  1. hmm. magandang umaga po, ndi ko po kayo kilala ngunit naririnig ko po ang panglan nyo ng mgasagawa dito ng kaya natin.

    hinahangaan ko po kayo at sana maipagpatuloy po ninyo ang wasto at malinis na pagpapatakbo ng gobyerno.

    pagpalain nwa ng Diyos ang bansang pilipinas.

  2. “мысли здравые, но тяжело читать, не знаю почему”

Leave a Reply