Eh, kasi Babae

Abante Tonite
Noong bigla akong nanalong gobernador ng Isabela taong 2004, naging banner headline ng isang malaking paha­yagan ang ganito: “Woman beats Isabela governor”. Akala ng isa kong kababayan na sa Manila na nakatira na mayroong babaeng bumugbog kay Gov. Faustino Dy Jr. sa amin kasi, mas madali pang paniwalaan ng ilan ang ganoon kaysa ang mayroong makatalo sa dynasty, babae pa!
***
Ako, na-appreciate ko nang husto na hindi ang pagi­ging pilay ko ang nabigyang-diin kung hindi ang aking pagi­ging babae. Siguro mas nakabenta pa ng higit na marami ang dyaryo kung sinabi nilang “polio victim beats Isabela go­vernor”.
***
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon lang ng babaeng gobernador ang Isabela noong ika-148 taon na nito. Ako ‘yun.
***
Noong una, ramdam na ramdam ko ang paninibago ng mga mayor at barangay kapitan na karamihan ay lalake sa kanilang pakikipag-ugnayan sa akin. Kayo ba naman ang masanay na pamunuan o laging diktahan ng mga macho.
***
Alam ko, minemenos ako ng marami noon, babae na, pilay pa. Ayaw nila akong kilalaning bagong pinuno. Hindi sila pumupunta sa akin.
Sabi ko, kung sisikapin ko silang suyuin, mauubos na ang panahon ko ay hindi pa rin nila ako papansinin. Ang haba kaya ng pinagsamahan nila noong mga dati.
***
Eh ‘di ‘yung mga nagpupunta na lang sa akin ang inaasikaso ko. Iyong mga kapitan ng barangay na inilalapit sa gobernador ang mga mahirap na kalagayan ng kanilang mga mamamayan at inihihingi nila ng tulong.
***
Nakinig akong mabuti sa kanilang mga hinaing. Pinag-usapan namin kung ano ang kanilang kailangan. At ito ay ibinigay ko kahit alam kong ang kapitan sa harap ko ay isa rin sa mga nagamit para ako ay dayain at alipustahin noong mga nakaraang halalan.
***
Pero wala akong karapatang maghiganti. Wala ring oras na dapat sayangin para maibigay na sa mga Isabelino ang mga matagal na naipagkait sa kanila.
***
Ibinigay ko ang tiwala ko sa mga kapitan. Hinamon ko silang gamitin nang mabuti ang perang tulong ng kapitolyo para sa kanilang mga proyekto. Pina-inspect ko sa aking mga kasama ang kanilang mga nagawa.
***
Hindi sila makapaniwala na direkta nang nakakausap ng mga taga-barangay ang gobernador. Dati raw, sa mayor lang idinadaan ang lahat. Noong pinagkatiwalaan ko ang mga ka­pitan, pinagbuti nila ang kanilang mga gawa at sabay kaming nakapagbigay ng serbisyo sa aming mga apo Isabelino.
***
Nabalitaan ito ng iba pang kapitan sa lahat ng sulok ng Isabela at sila nga ay hindi rin nabigo sa akin. Pinuntahan ko rin, hindi ang mga munisipyo kung hindi ang mga liblib na barangay. Minsan noong ipinapakilala ako ng kapitan sa harap ng kanyang mga nasasakupan, napaiyak pa siya dahil noon lang daw nakarating sa kanilang malayo at mahirap na pook ang mismong gobernador ng probinsya.
***
Nang dinadagsa na ng maraming taga-barangay ang akin­g lingguhang people’s day o ugnayang-bayan sa kapitolyo, unti-unti ay lumalapit na rin sa akin ang mga mayor. Kung noon, sa 36 na mayor ng Isabela ay tatlo lang ang nagpupunta sa akin, ngayon, sa 36 na iyon ay mga tatlo o anim na lang ang nagmamatigas pa. Kahit hindi kami magkaka-partido, karamihan sa kanila ay nakakaugnayan ko na para pagtulungan namin ang mas mabilis at mas malawak na pagbibigay ng serbisyo sa aming mga nasasakupan.
***
Nito lamang 2009, napaluha sa harap ko ang isang ma­yor ng isang maliit at malayong bayan ng Isabela na binuhusan ko ng maraming tulong pinansyal ng kapitolyo, kahit kakaunti ang mga botante sa lugar na iyon. Tinatanong niya kasi kung totoo bang tatakbo akong senador at iiwanan ko na ba ang Isabela. Ngayon lang daw kasi may nagpahalaga sa kanila kahit hindi sila malaking bayan.
***
Wala sa pagiging babae o lalake ang matapat na serbis­yo. Nasa pagkatao, nasa pagiging totoo, nasa tunay na pagmamalasakit sa bayan mo. Kung mayroon nito, lalong titingkad ang dati nang magagandang katangiang mayroon ang isa mang babae o lalake.
***
Email me at Kayanatin@yahoo. com or send a text message sa  CP number 0919-3533222

3 Responses to “Eh, kasi Babae”

  1. I congratualate Hon. grace Padaca for having a golden heart towards her people of Isabela. Truly, it is not the time for revenge but the time to give service to all her constituents. Like a mother who always gives what is best for her children, what is good for them and what is more fruitful to them. gov. Padaca is a woman with a big heart of service and a mother to all the people if Isabela.

  2. If you run for senator come 2010, i will surely vote and campaign for you! We need people like you in the senate…

  3. Mabuhay ka Gov. Grace Padaca!

    To lead is to serve, not to enrich yourself.

    My dad was a doctor and worked in the remote areas of Quezon until his retirement. He can easily pursue greener pastures but he chose to serve.

    I will do my best to support Kaya Natin.

    Mike D.
    http://www.FilipinoAlumni.com

Leave a Reply