Hindi ConAss kundi kaunlaran

http://www.abante.com.ph/issue/june1309/op_ep.htm

Sila po ay tinatawag nating deputado. Sila ang bumubuo ng House of Representatives. Sila ang ating mga kinatawan sa Kongreso. Sila dapat ang kumakatawan sa atin, sa ating damdamin, dinadaing at tinitindigan.

Ngunit yaong ginawa ba ng ating mga kongresista na maka administrasyon noong Mayo 28, sa pagpasa nila sa resolusyon na gawing constituent assembly ang kanilang sarili ay kumakatawan sa ating damdamin?

Tinapon nila o binalewala ang Senado sa usaping ito. Isang hakbang na taliwas sa ating Saligang Batas. Hindi ba noong manungkulan sila, ipinangako nilang ipagtatanggol ang ating constitution?

Mga kababayan, ang nilagdaan nila ay resolution bilang once nueve at ipinasa nila ito alas-11:00 ng gabi. Kaya inoonse nila ang mga Pilipino at ang ating bansa.

Papayag ba tayong onsehin nila?

Sobra na ang kanilang ginagawa. Makamtan lang nila ang kanilang makasariling interes, kahit ilegal at kahit labag sa kagustuhan ng taumbayan, sapilitan nilang gagawin.

Ang paniniwala natin sa panahong ito, ang pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayan ay hanapbuhay, edukasyon, kalusugan, pabahay, pagkain, damit, dangal at pagsugpo sa katiwalian. Hindi ConAss at pagpalit sa Saligang Batas ang kailangan.

Ang pagpapatuloy sa ConAss ay binubuhay at pinapaigting ang damdamin ng Pilipino, ang pagkakawatak-watak at ang pagmuhi sa ating pamahalaan.

Sayang ang ating lakas at panahon na posibleng magamit sa away at pagtuligsa. Kailangan natin ang bawat isa bilang mamamayang Pilipino, upang sugpuin ang ating malalim na problema at tugunan ang matinding suliranin.

Ginang Pangulo at mga Kongresista, hindi po ramdam ang kaunlaran sa ating bayan. Kahirapan ang ramdam ng ating bayan.

Ito po ang panahon na tayo’y magising sa katotohanan. Huwag nating ubusin ang ating lakas at kagalingan sa gawaing walang saysay. Pansinin natin ang hinaing ng Inang Bayan. Dito natin ibuhos ang ating puso at kaluluwa.

Kilos na! Kaya Natin ito!

Leave a Reply