Iboto Natin Ang Tama!

Abante

ika-8 ng Marso 2009

Noong nakaraang lingo ipinasa na ng ating Kongreso ang mahigit 11 bilyong pisong budget para sa pag computerize ng ating halalan sa susunod na taon. Sa pamamagitan ng pag computerize ng ating halalan inaasahan natin na mababawasan na ang mga dayaan at mas mapapabilis ang paglabas ng resulta n gating eleksyon. Kailangan lamang nating bantayan ng maigi kung gagamitin ba sa tamang paraan ang malaking perang ito para pambili ng mga computer at ilan pang mga makinarya na kakailanganin sa eleksyon.

Hindi rin tayo dapat maging kampante na hindi na tayo madadaya dahil lamang sa pag computerize ng halalan. Baka nga mas madali nang makakadaya ang ilan sa ating mga pulitiko dahil ang kailangan na lamang ayusin ay ang mga computer at hindi na nila kailangan pang bumili ng mga boto. Mahalaga pa rin na ang bawat Pilipino ay maging matiyaga sa pagbabantay sa mga mangyayari sa ating halalan. Dapat suportahan natin ang mga grupo tulad ng NAMFREL at PPCRV na nagtataguyod ng matino at malinis na halalan. Hikayatin din natin ang ating mga kabataan na magrehistro na upang sila ay makalahok sa ating halalan.

Isa pang dapat nating paghandaan ay ang muling paglalatag ng mga kasamahan ni Pangulong Gloria Arroyo ng Charter Change o Cha-Cha. Marami pa rin ang nagsasabi sa akin na hindi pa patay ang Cha-Cha, naghihintay lang ng tamang pagkakataon ang mga kakampi ng Pangulo na ipasa ang Cha-Cha kahit na alam naman nila na ayaw ng tao rito. Pag nagtagumpay sila rito malaki ang posibilidad na walang halalang mangyayari sa 2010 at mananatili pa sa posisyon si Pangulong Arroyo. Ang aming mga kasamahan sa Kaya Natin! kabilang dito si Among Ed Panlilio ng Pampanga, Gov. Grace Padaca ng Isabela, Mayor Sonia Lorenzo ng Nueva Ecija at Gov. Teddy Baguilat, Jr. ng Ifugao ay tutol sa Cha-Cha bago ang 2010 eleksyon at talagang lalabanan naming ito kung itutuloy ng ating Kongreso. Alam ko naman na hindi tayo papayag na walang halalan na magaganap, mukhang marami sa atin ang sabik nang humalal ng mga bagong lider na magtataguyod ng pagbabago sa ating bansa.

Napakahalaga ng ating halalan sa susunod na taon kaya naman ngayon pa lang dapat mag masid na tayo mabuti at maging mapanuri sa ating mga lider. Marami sa kanila ang magaling magsalita sa harap ng kamera ngunit pagtitingnan mo naman ang kanilang track record ay wala naman talaga silang nagawang mabuti para sa ating mga kababayan. Ang iba pa ay sangkot sa ilang mga katiwalian at pagnanakaw sa ating gobyerno. Huwag na sana tayong magpaloko muli sa mga trapo, pumili na tayo ng tamang lider na uunahin ang kapakanan ng mahirap bago ang kanyang sariling interes. Ito na ang pagkakataon natin para ayusin ang ating bayan, huwag na nating sayangin muli ang pagkakataong ito.

Para sa inyong mga komento, pwede kayong mag text sa 0922-8570496 o pwede rin kayo magpadala ng email sa kayanatin@yahoo. com . Sa mga gustong sumali sa Kaya Natin, tumawag lamang kayo sa (02) 4265657.

One Response to “Iboto Natin Ang Tama!”

  1. mabuhay ka mayor ng bayan pilipinas jesse robredo, ikaw ay isa sa mga tinitingala na makabagong lider. ano’t may gagaling pa ba sa mga nagawa mo sa lungsod ng Naga. Ikaw ay kakaiba. Isa ka sa aking mga inspirasyon kung kaya”t ako ay lakas na loob na kumandidato noong 1992, ako ay 27 lamang noon, upang himukin ang mga tao na baguin ang kinalalagyan ng ating bayan.17 taong nakalipas ang aking layunin na baguin ang ating bayan ay hindi nagbago. Tama ka marami naglipana na mga kandidato at opisyal ng pamahalaan na nagkukunwqari na siya ay tumataglay ng bagong pulitika na sa kabila naman talaga siya ay isang trapo at NO.1 TRAPO TALAGA.Walang pinagkaiba sa mga nasaksian natin ng mga nakaraang eleksyon at ito ay ating bantayan. Siya ay kumakatawan sa mga maka-ganid na interes na ang habol ay kunin ang pera ng sambayanan tulad ng nakaraang rehimeng Marcos.Alam nyo ang ang aking tinutukoy na Senador na nagkukunwari na nagtataglay ng maka-bagong pulitika na sa totoo naman wala naman siyang nagawa at napatunayan. Ang kanyang nais lang ay siya mataguriang bata na maging pangulo na karagdagan sa kanyang bio-data. C’mon this is about running the Philippines. And running it GOOD and WELL.Jim

Leave a Reply