Jueteng ay sama-sama nating sugpuin

Abante, Marso 7,2009
Noong nagpunta si Pa­ngulong Gloria Arroyo sa Pampanga noong nakaraan linggo, pinahayag niyang Stop Jueteng in Pampanga. Kung ang jueteng ay pinahihinto niya, samakatuwid, mayroong jueteng sa ating bansa. Sapagkat hindi niya ipahihinto kung ito ay wala. Hindi kagaya ng sinasabi ng Pampanga ma­yors, ibang board members, at mismong si DILG Sec. Puno. Mayroon daw STL ngunit walang jueteng.

Ang sabi sa akin ng aking kaibigan na heneral, kung ang gobernador at ang PNP provincial director (PD) ay laban sa jueteng, 51% nito ay masusugpo.

Kung ang gobernador, PD at regional director (RD) ng PNP at laban sa jueteng, 81% ay masusugpo. At kung sasama pa sa kanila ang presidente ng bansa, tuluyang mawawala ang jueteng. Lalo na kung ang mga tao ay hindi tatangkilikin ito.
Ngunit kumusta naman ang ating mga kababayan na mawawalan ng trabaho kung itong salot sa ating lipunan ay ititigil?
Mayroon pong buhay pagkatapos ng jueteng. Sa katunayan, mas mabuti pa nga.
Alam ba ninyong napakaliit ng kinikita ng kubrador? 10% lang ng kanyang nakokolektang taya ang napupunta sa kanya. Kung halimbawa, sa maghapon siya ay nakapagpataya ng P500, P50 lang ang kita niya.
Sa Pampanga, hindi pa namin ginagamit ang mahigit na P30M na ibinigay ng STL sa probinsiya. Ito ay nilalaan namin sa mga nagtatrabaho sa jueteng na gustong magkaroon ng mas marangal at kumikitang hanapbuhay. Puwede silang makipag-ugnayan kay Mr. Bert Gatus sa aming PCEDO para dito. At lahat ng bayan at probinsiya ay maaaring maglaan din ng pondo upang tunay na makatulong sa mga dapat humiwalay sa ganitong ilegalidad.
At hindi lang panibagong hanapbuhay ang sagot sa jueteng at sa jueteng politics. Ang ating mga school administrators ay dapat sama-samang magbuo ng curriculum sa paaralan na magdidiin sa halaga ng sipag kaysa sa sugal. Ang mga pari, madre, pastor, catechists at preachers ay dapat ma­ngaral laban sa jueteng. Ang media practitioners ay dapat ipakita kung gaano kasama ang naidudulot ng jueteng. Ang mga mic­ro-finance institions ay maglaan ng puhunan para makapag-alay ng alternatibong hanapbuhay. Ang mga social institutions at ang gobyerno ay maglaan ng scholarship program at Philhealth cards sa mga kubrador at kabo, etc.
Wala pong isang tao o institution o isang pamamaraan na puwedeng sumugpo sa jueteng. Ngunit kung sama-sama tayong magtutulungan at ang ating mga mamamayan na dapat nang magising na sa panlilinlang ng jueteng ay hindi na tataya, hindi puwedeng hindi maalis sa lipunan natin itong masamang bisyo.
Kahulihan, kailangan natin ang Diyos at ang kanyang kapangyarihan sa gawaing ito. Ang kalaban dito ay hindi ang jueteng lord. Sapagkat mamatay man ang nagpapa-jueteng ay papalitan siya ng iba. Ang dapat nating lipulin ay ang masamang espiritu na pinanggagalingan nito.
Kung ihahalintulad natin sa masamang damo, dapat itong alisin mula sa ugat. Mangyayari lamang ito pagka nagkaisa tayong italaga ang kapangyarihan ng Poon sa pagpuksa sa nagpapasimuno dito.

***

Para sa inyong mga komento, pwede kayong magpadala ng email sa kayanatin@yahoo. com.

Leave a Reply