Pag-asa at pag-aalay ng sarili

http://www.abante.com.ph/issue/oct1009/op_ep.htm

Hindi po kokonti ang mga napamangha sa ating mga kababayan noong pagkatapos gumastos ng maraming pera at gumugol ng maraming panahon at lakas si Sen. Mar Roxas, siya ay nagbigay-daan kay Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III sa pagtakbo sa pagka-pangulo ng bansa.

Si Noynoy mismo ay tumalikod sa mas ninanais niyang mamuhay ng tahimik at simple at tumugon sa pagtawag ng ating ba­yan upang pamunuan niya ang inaasam na pagbabago sa ating bansa.

Sa ating ginagala­wang mundo, ang karaniwang nakikita ay ang pagpapairal, pagsulong at pag-aasikaso sa sarili. Marami sa atin ang nag-iisip na basta nagkaroon ng pagkaka­taon ay iaangat ang sarili at ‘di ba­ling maiwan ang iba. Makaligtas kahit mapahamak ang iba. Magpakayaman kahit manatiling mara­lita ang iba. Tumapak kahit naduduhagi na ang iba.

Ang ginawa nina Noy­noy at Mar ay nagdudulot ng sariwang hangin sa mundo ng politika sa ating bayan. Dahil sa kanila nagkakaroon ng panibagong kulay ang kampanya tungo sa halalan. Biglang umusbong ang panibagong pag-asa. Ang mga kababayan nating Filipino ay muling nangarap at umasa.

Ito na rin ang pinaaabot na himig ng ating mga kasamahan sa Kaya Natin.

Napa­tingkad sa kamalayan ng mga Filipino na pwede palang manilbihan sa panu­nungkulan. Kayang-kaya palang labanan ang katiwalian, tigilan ang pagsira sa ating kalikasan, sugpuhin ang illegal gambling, pukawin sa pakikisangkot ang ating mga mamamayan sa pamahalaan at pairalin ang maayos at masinop na panunungkulan. Ito po ang ipi­namalas sa atin nina Ma­yor Tante Gerdan ng Sta. Fe, Nueva Vizcaya, Ma­yor Jun Verzosa ng Tagudin, Ilocos Sur, Mayor Fermin Mabulo ng San Fernando, Camarines Sur, Konsehala Mabel Acosta ng Davao City, Rep. TG Guingona ng Bukidnon at lahat ng champions ng Kaya Natin.

Ngunit hindi lang naman po mga politiko ang nagpapamalas ng kabayanihan. Hindi lang ang mga mayayaman at nagsipag-aral ang nagpapatunay ng kadakilahan. Maging ang mga simple at karaniwang tao ay nagpapahiwatig din ng pagtalikod sa sarili at pagtangkilik sa kapakanan ng kapwa. Naging maliwanag ito sa mga nagligtas sa mga sinalanta ng baha. Mga taong nalunod pagkatapos magsagip ng mga bata at kababaihan.

Lubos po nating pina­purihan ang mga nasawi pagkatapos nilang maitawid sa kaligtasan ang halos malagutan na ng hini­nga. At nararapat nga lang naman ito. Kaya lang, dapat din natin pasa­lamatan ang maraming taong nag-alay ng kanilang sarili upang makatulong sa mga kababayan nating tunay na naghirap at nasalanta nitong mga nakaraang araw. Ang iba sa kanila ay nakunan ng kamera o vi­deo ngunit ang iba pa ay magdamag na nangolekta ng mga kaloob ng mga tao, walang tulog na nagbantay sa ating disaster coordinating centers at masipag na nag-repack ng relief goods.

Napakarami po nila, mga kaibigan.

Sa pamamagitan ng mga iba’t ibang karana­san na ito, nakita natin na ta­yong mga Filipino ay may kakayahan na igpawan ang makasariling pananaw at interes at buksan ang ating mga puso sa ating kapwang kailangang tulu­ngan. Hindi likas na sakim ang ating lahi. Kilala ang ating mga ninuno sa damayan at pagmamahalan. Kaya nga ang mga katagang bayanihan, pakikipagkapwa at pagtutulungan ay binibigyan natin ng pagpapahalaga. Nawa’y ang mga ito ay muli natin bigyan ng buhay.

Para sa inyong mga komento, magpadala lamang ng text sa 0919-9575444.

Para sa inyong mga komento, pwede kayong magpadala ng email sa kayanatin@yahoo.com.

2 Responses to “Pag-asa at pag-aalay ng sarili”

  1. Nakakabuhay-pag-asa ang mga tinuran sa artikulong ito…
    Nawa’y dumami pa ang mga katulad ninyong pinuno na magbibigay pag-asa na kaya natin magkaruon ng pagbabago at umangat mula sa mapanirang sistema ng pulitika sa ating bansa. mabuhay po kayo!

  2. Before you enter into politics if you are willing to put half of your money to the bank and all interest earned shall be given to the poor. Then the other half will be accounted to the public so that the interest will be given to your family or for personal consumption. This will help minimize corruption because all your property will be monitored. Also personal interest will not invade your weak minds because it is prone to temptations. If politicians aspiring for government position will be doing this then it will no longer easy for a camel to enter in the eye of the needle for the politician thus enter the needle himself.
    Question, is this a good idea?

Leave a Reply