Papaano na ang Pilipinas?

http://www.abante.com.ph/issue/sep1909/op_ep.htm

Papaano na ang bansang Pilipinas kung ang namumuno ay hindi pinagkakatiwalaan ng marami sa ating mga kababayan? At paano siya pagkakatiwalaan kung nasasangkot siya sa marami at big time na corruption scandals kagaya ng NBN-ZTE at Fertilizer Scam?

Nasabi ko nga minsan na sa ibang bansa, pagka ang namumuno o presidente ay nasasangkot sa katiwalian ay nagre-resign o kaya nagpapakamatay. Dito naman sa Pilipinas ay binabago ang Saligang Batas o gumagawa ng paraan upang manatili sa panunungkulan. Sa iba­yong dagat, pagkatapos manungkulan ng presidente o prime minister na napatunayang tiwali ay kinukulong at nagdudusa siya doon upang hindi siya pamarisan. Dito, pinapakawalan at hinayaan pang tumakbong muli.

Papaano na ang ating bayan ngayong kasama na ang pamilya ng pamunuan na nasasangkot sa katiwalian? Mula sa asawa hanggang sa mga anak. Nakakatakot at baka tumagos pa ito hanggang sa mga apo. Totoo nga na kayang baguhin ng tao ang tatak na madilim ng kanyang nakaraan? Ngunit napakalaking impluwensiya sa kasalukuyan ng nakaraang baon.

Papaano na ang ating bansa kung nawawala ang “sense of decency” o ang pagpapahalaga sa dangal ng panunungkulan? Nababalisa ako sa pag-iisip na kung saan natutunghayan ng marami sa atin at kasama na dito ang mga bata at kabataan na kung saan nakikita nilang nagmumurahan ang mga sanador at ibang public servants. Nakikita rin natin na sa gitna ng milyun-milyong naghihirap at nagugutom na Pilipino, ang ating mga lider ay patuloy pa rin ang pagpapasarap sa mga mamahaling mga kainan sa ibang bansa.

At papaano na ang Pilipinas kung tayong mga mamamayan ay nagsasawalang kibo at hindi nakikialam sapagkat ang sabi natin ay “talagang ganyan na lang tayo, wala na tayong pag-asa, at heto ay bahagi na lang ng ating buhay Pinoy?”

Ano po ang inyong masasabi dito?

Hindi po ako naniniwalang tayong lahat ay tiwali at lalong hindi ako sumasang-ayon na wala nang pag-asa ang Pilipinas.

Balikan po natin ang dangal ng ating lahi. Gunitain natin ang mga bayani natin kagaya nina Lapu-Lapu, Tarik Soliman, Jose Rizal, Andres Bonifacio, Jose Abad Santos, Raul Manglapus, Gabriela Silang, Cory Aquino, Ninoy Aquino, at marami pang iba.

Ang lahing dumadaloy sa ating katauhan at ang dugong nananalaytay sa ating katawan ay tunay na marangal. Naipakita natin noon na kaya pa rin nating magsama-sama, magkaisa, magkatulungan upang maiahon natin ang ating lipunan mula sa kapahamakan at pagkaalipin patungo sa kalayaan at kasaganahan.

Nakaharap tayo ngayon sa yugto ng ating kasaysayan na ang panawagan ay dapat tayong handa na iwanan ang makasarili at maginhawang katayuan upang patunayan natin ang pagmamahal sa ating bayan.

Samahan po natin ang dumadami nating mga kapwa Pilipino na pinapatunayan sa pamamagitan ng paggawa at paglalaan ng sarili ang paglilingkod para sa mga mahihirap at napapabayaan.

Sa nalalapit na halalan, iboto natin ang mga kandidatong tapat maglingkod at walang bahid ng katiwalian. Maraming mga lumalabas na “infomercials” ngayon sa telebisyon at radyo na kung saan ang mga iba’t ibang naghahangad sa puwesto ay nagsasabing sila ay para sa mahirap. Totoo kaya ang mga ito? Dapat usisain muna natin ang kanilang nakaraan at karanasan bago tayo magdesisyong suportahan sila. Huwag na tayong paloko muli sa halalan sa 2010. Huwag nating iboto ang mga taong susubukang bilhin ang ating mga boto, ipakita nating may dangal ang bawat Pilipino. Sana natuto na tayo at huwag nating sayangin ang mga sakripisyo nina Ninoy at Cory Aquino para magkaroon ng mas magandang kinabukasan ang bawat Pilipino.

At huwag natin ihiwalay ang pagmamahal sa tinubuang lupa sa ating pagmamahal sa Diyos. Nagpapa­salamat po tayo sa Kanya sapagkat dito sa Pilipinas niya tayo inihasik. Dito rin po tayo magkakabunga para sa kapakinabangan ng ating mga kababayan.

Para sa inyong mga komento, pwede kayong magpadala ng email sa kayanatin@yahoo.com.

Leave a Reply