Parusa ba ng Diyos?

http://www.abante.com.ph/issue/oct0309/op_ep.htm

Sa gitna ng marami­ng pinsala at mga namatay sa ating mga kababayan na dulot ng bagyong Ondoy, maraming nagsasabing ito daw ay parusa ng Diyos. Para bagang ang Diyos ang siyang may kagagawan nito. Ano po sa palagay ninyo?

Ayon sa mga dalubhasang arkitekto na kagaya ni Jun Palafox, 25 years na nilang sinasabing marami­ng bahagi ng Marikina Valley ay napakapeligroso para tayuhan ng mga bahay at gusali. Ang kanilang dahilan ay napakababa ng lugar na ito at dito maiimbak o kaya’y magiging daluyan ng maraming tubig na galing sa bundok Sierra Madre at karatig na bayan. Ngunit hindi natin pinakinggan itong expert opinion.

Batay sa mga salaysay ng marami, malapot daw at kulay putik ang rumagasang tubig-baha. Itong tubig ay nag-iiwan ng banlik o silt.

Kaya ang paniniwala nila ang tubig ay nagdala ng lupa na galing sa mga bundok na pawang kalbo. Wala na ang dating nakatanim na puno na nag-iimbak ng tubig.

Nagkaroon din ng mudslide sa San Juan Bano, Arayat, Pampanga na kung saan nabaon ang 120 na bahay na kinamatay ng 12 tao at ang iba ay hindi pa nakikita. May narinig daw blast o pagputok ang mga tao na maaaring sanhi ng pagmimi­na.

Ang sabi nga ng mga matatanda, “Kung ano ang iyong itinapon, ay siya ring babalik sa iyo.” Kayo po ba’y naniniwala sa kasabihang ito? Para sa akin ito ay dalawang bagay:

Una, ang tinapon ng mga tao na basura, maraming plastic at iba pang nagdudulot ng polusyon at pagkabara ng ating sewage system ang siya ngayong bumabalik sa kanila. Tunay ngang bumalik sa mga nagtapon ang tinapon.

Pangalawa, ngunit ang tinapon ng kakaunting taong abusado at gahaman, na ang kanilang interes at kasakiman lang ang inaatupag ay nagbibigay ng malaki at nakakalungkot na pinsala sa mga inosenteng mamamayan.

Kagaya ng illegal logging, illegal mining, dumping ng basura kung saan saan at iba pa. Ito naman ay na­ngangahulugang ang kalokohan ng iilan ay kaparusahan ng iba.

Huwag na huwag po na­ting pagbintangan ang Diyos na mapagmahal at mahabagin sa ating lahat. Wala siyang kasalanan dito. At huwag din po nating sisihin ang Inang Kalikasan. Ang kalikasan ay mapagkali­nga at napakalaki ng pasensiya. Aakuin at tatanggapin niya ang lahat na tinatapon natin sa kanya. Kaya lang mayroong hangganan ang kanyang pagtanggap. Saturation point, ika nga. Pagka tayo ay kanyang binwelta­han, sapagkat sobra na at talamak na ang ginagawa na­ting pang-aabuso sa kanya, nakakatakot ang pinsalang mararanasan natin.

Maliwanag natin itong nakita nitong mga nakaraang araw.

Sa tagal po ng aking gawain sa social action lalo na sa panahon ng kalamidad, napagtanto ko na, “Calami­ties have a way of bringing out the best and the worst in ourselves.” Pinupukaw at naipapalabas ng mga kala­midad at trahedya sa atin ang pinakamainam o dili kaya’y ang pinakamasama.

Pinakamainam, sapagkat tayo ay nagkakatulu­ngan. Mga taong hindi man natin kilala at wala man ta­yong kaugnayan na nasalanta ay inaabutan natin ng tulong at pagkalinga. Napaka­gandang masaksihan ang mga kababayan nating nagdadamayan at nagsusuportahan.

Pinakamasama, sapagkat nasalanta na nga ngunit sila ay ninanakawan pa.

Napakalaking proyekto ng ating pamahalaan ngunit pinagsasamantalahan pa ng mga ganid na kontratista. Ganoon din ang mga nanunungkulan na binubulsa ang mga pondong nakalaan sa mga biktima ng kalamidad.

Panahon na nga mga kababayan, upang tayo ay matuto sa mga maya­yamang karanasan na ito. Kung hindi pa po tayo matuto, muli tayong magiging biktima ng mga kalamidad at tayo ay muling babagsakan ng trahedya.

Magtulungan tayo para maiahon muli ang ating ba­yan, tumulong tayo sa ating abot na makakaya para ma­bigyan ng panibagong buhay at pagkakataon ang mga nasalanta ng bagyong Ondoy. Ipagdasal natin ang bayan at patuloy tayong manalig sa ating Panginoon.

Para sa inyong mga komento, magpadala lamang ng text sa 0919-9575444.

Para sa inyong mga komento, pwede kayong magpadala ng email sa kayanatin@yahoo.com.

Leave a Reply