People’s agenda ng pangulo

http://abante.com.ph/issue/sep1209/op_ep.htm

Marami ngayon ang mga ginagawang presidential fora na kung saan ang mga kandidato ay binibigyan ng pagkakataon upang ipaabot sa mga tao ang kanilang plataporma. Isa rin itong pagkakataon upang makapagtanong ang mga dumalo at ang lahat ng mga ito ay sasagutin ng mga kandidato.

Ito ay magandang paraan upang mapag-aralan natin ang pagkatao at programa ng ating mga kandidato. Pagsugpo ito sa nagiging maling kasanayan ng marami na­ting mga kababayan na ang kanilang basehan sa pagpili ng kanilang iboboto ay ang katanyagan. Ako po ay saksi sa panahong dapat kang maging artista o kaya basketball superstar o kaya naman ikaw ay marunong kumanta at sumayaw upang makakuha ng maraming boto.

At dapat nga namang magkaroon ng magandang plataporma ang ating mga kandidato. Ito ay pinag-iisipang mabuti at mahusay din nilang dapat maipaliwanag sa taumbayan. Kailangang marunong sumagot ng magaling ang naghahangad maglingkod sa ating bayan. Mukha nga namang kawawa ang sinuman na kulelat sumagot sa mga tanong ng mga bumoboto.

Kaya lang, dapat na­ting malaman na walang sino mang presidente ang makakasagot sa lahat ng mga katanungan ng ating bayan. Walang sino man ang mag-isang makakalutas sa lahat ng problema natin. Wala din isang taong makakagawa sa plataporma na lahat ay tataglayin ang inaasam ng ating mga kababayan.

Hindi po puro talino ang ating hinahanap sa isang presidente o sino mang naghahangad na maglingkod sa ating bayan. Ang kailangan po natin ay isang PEOPLE’S PRESIDENT na magtataguyod ng PEOPLE’S AGENDA.

Sa ibang pagbigkas, ang hinahanap nating pangulo ay yaong hindi lang magaling magsalita kundi marunong makinig. Dapat siyang mahusay magpukaw ng damdamin ng mga tao, mapagnilayan niya ito, salain ang tama at magaling niyang ipagsama-sama.

Ang ibig sabihin nito, ang magiging plataporma ng presidente ay batay sa mga kongkretong panga­ngailangan at hango sa mga mithiin ng taumbayan na kanyang paglilingkuran. Ang lahat ng sektor ng ating lipunan ay kanyang pakikinggan at suriin dito ang tunay nilang pa­ngangailangan at buuin ito upang ang mga ito ay magiging plataporma ng kanyang pamamahala.

Hindi lang niya isasaalang-alang o tutugunan ang interes ng mga iilang sektor, o ng iilang pamilya, o ang kanyang pamilya. Siya ay presidente nang taumbayan kaya taumbayan din ang kanyang pagsisilbihan.

At sapagkat isinama niya ang taumbayan sa proseso ng kanyang pagtakda sa kanyang agenda, magiging kalahok din ang mga tao sa pagsasakatuparan nitong agenda. Kaya ang tawag natin ay people’s agenda at hindi president’s agenda.

Dati, ang pagtingin natin ang presidente ang siyang bida ng ating bansa.

Panahon na upang baliktarin natin ito at ating isulong ang tunay na kahulugan ng pangulo. Ang ulo ay walang kabuluhan kung wala siyang ugnayan sa katawan. Kinakatawan ng pangulo ang tunay na pangarap at mithiin ng taumbayan. Kaya sa tunay na pangulo, ang bida ay ang mga mamamayan.

Para sa mga nais tumulong at magbigay suporta laban sa Recount at ipaglaban ang tunay na demokrasya ng ating bayan, mag-text lamang sa 0916-3210906.

Para sa inyong mga komento, pwede kayong magpadala ng email sa kayanatin@yahoo.com.

One Response to “People’s agenda ng pangulo”

  1. tama poh kayu nakakatulong talaga ang mga forum, nagkakaroon ang mga taong bayan ng pagakakataong makilala ang mga kandidato hindi sa pangalan lamang kundi sa mga plataporma nila. sa tingin ko poh matalino na ang mga botante ngaun.

Leave a Reply